Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

… at may humigit nga sa’yo

O, pag-ibig na nga ba’ng nararamdaman sinta
Sa saliw ng gitara, sa himig ng ‘yong kanta,
Sa samyo ng presensya’t sa mukha mong kayganda?
Sa iyo, aking sinta, may hihigit pa kaya?

Sabihin mo sa akin, sadyang ikaw na nga ba
Aking makakasama sa hirap at ginhawa,
Hanggang sa paghihirap at sa pagkariwasa?
Sa’yo nga, aking sinta, may humigit pa kaya?

At, kung saka-sakaling makahanap ng iba
Pagsinta’y animo’y talulot na malalanta
Pag-ibig ko sa iyo, paliliparin kayang
Tila malaking bulang tuluyang mawawala?

Advertisements
Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Sa Iyo, Mahal Ko

Sa bawat pagsubok, sa bawat sakuna
Pasakit ng buhay, ‘di inalintana
Pagkat nariyan ka’t ginhawa’y nakita
Sa iyo, mahal ko, at hindi sa iba

Kinabukasan ko tiyak magniningning
Pagkat naririyan ka sa aking piling
Nakikita ko ang buhay na kayganda
Sa iyo, mahal ko, at hindi sa iba

Kahit na mapanglaw, kahit ‘di umilaw
Pag-ibig kailanma’y hindi pumapanaw
Pagliyag kong ito’y ‘di magmamaliw, sinta
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa