Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Tila

Tila wala nang dahilan pa upang hangarin
Ako’y magiging iyo at ika’y magiging akin
Basta naririyan ka lamang sa aking piling
Tingin ko’y sasapat na para aking damhin

Tila wala na ring dahilan pang magmahal
Kung tinutuyot na ang pusong napapagal
Sa patuloy na pagbibigay ng pagmamahal
Sa puso mong kailanma’y hindi maikintal

Tila ibang klaseng pag-ibig ang naibibigay
Ng tulad mo sa buhay kong walang kulay
Sa buhay na puno ng kasiyahan at lumbay
Pag-ibig ng isang kaibigan ang iyong inaalay

Tila ang dating pighati ay nauwi sa kagalakan
Kagalakang labis, hindi malimutan kailanman
“Ituring na kayamanan ang tunay na kaibigan”
Katagang hahagkan hanggang sa kamatayan

Advertisements
Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Ang Aking Pagtugon sa Tulang, “Sa Iyo, Mahal Ko”

Tingnan din ang tulang "Sa Iyo, Mahal Ko".

Nababatid mo ba, aking nadarama
Aking nadarama sa piling mo, sinta
Ang aking ligaya at pusong kaysaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Ang lahat ng ito’y bigla nang nawala
Nang ‘yong sabihing, “Kaibigan lang kita”
Ang aking hinagpis, pusong nagdurusa
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Tila ang buhay ko’y wala nang halaga
Saya kong dulot mo’y inilibing ko na
Pagmamahal ko, may natira pa kaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa