Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Ang Aking Pagtugon sa Tulang, “Sa Iyo, Mahal Ko”

Tingnan din ang tulang "Sa Iyo, Mahal Ko".

Nababatid mo ba, aking nadarama
Aking nadarama sa piling mo, sinta
Ang aking ligaya at pusong kaysaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Ang lahat ng ito’y bigla nang nawala
Nang ‘yong sabihing, “Kaibigan lang kita”
Ang aking hinagpis, pusong nagdurusa
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Tila ang buhay ko’y wala nang halaga
Saya kong dulot mo’y inilibing ko na
Pagmamahal ko, may natira pa kaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Advertisements
Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Sa Iyo, Mahal Ko

Sa bawat pagsubok, sa bawat sakuna
Pasakit ng buhay, ‘di inalintana
Pagkat nariyan ka’t ginhawa’y nakita
Sa iyo, mahal ko, at hindi sa iba

Kinabukasan ko tiyak magniningning
Pagkat naririyan ka sa aking piling
Nakikita ko ang buhay na kayganda
Sa iyo, mahal ko, at hindi sa iba

Kahit na mapanglaw, kahit ‘di umilaw
Pag-ibig kailanma’y hindi pumapanaw
Pagliyag kong ito’y ‘di magmamaliw, sinta
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa