Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Selos

Nababatid kong ika’y hindi akin
At kailanma’y hindi mapapasaakin
Kaya wala akong karapatang damdamin
Galit ng pusong kaytagal kinikimkim

Nararamdama’y hindi sa iyo ipapakita
‘Di lalabas sa tuwing ika’y makikita
Walang karapatan ang puso’t damdaming
Magselos sa mga oras na ‘di ka kapiling

Advertisements
Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Tila

Tila wala nang dahilan pa upang hangarin
Ako’y magiging iyo at ika’y magiging akin
Basta naririyan ka lamang sa aking piling
Tingin ko’y sasapat na para aking damhin

Tila wala na ring dahilan pang magmahal
Kung tinutuyot na ang pusong napapagal
Sa patuloy na pagbibigay ng pagmamahal
Sa puso mong kailanma’y hindi maikintal

Tila ibang klaseng pag-ibig ang naibibigay
Ng tulad mo sa buhay kong walang kulay
Sa buhay na puno ng kasiyahan at lumbay
Pag-ibig ng isang kaibigan ang iyong inaalay

Tila ang dating pighati ay nauwi sa kagalakan
Kagalakang labis, hindi malimutan kailanman
“Ituring na kayamanan ang tunay na kaibigan”
Katagang hahagkan hanggang sa kamatayan

Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Paglaban

Kahit ako’y hamak na ganito lamang
Tila hindi pinapansin ng sinuman
Tila hindi pinakikinggan kahit saan
Ng lipunang nagbibingi-bingihan

Kahit ako’y hamak na ganito lamang
Tinatapak tapakan lamang ng ninuman
Pinagkakaitan ng bawat karapatan
Ng lipunang pilit kong hinahagkan

Akong nasa laylayan ng lipunan
Mula pa nang ako’y magkamuwang
Sa lipunang nananaig ang may pangalan
Sa lipunang nagwawagi ang may kapangyarihan

Ako ang boses ng ating kinabukasan
Matututong kumilos at makipaglaban
Isulong ang karapatan ng bawat mamamayan
Maglingkod para sa mahal na Inang Bayan!

Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Senti

Minahal mo ang isang tao
Ng buo niyang pagkatao
Ngunit, puso niya pala’y isang bato
Ayaw lumambot alang-alang sa ‘yo

Napakasakit.

Bakit kaya ganoon
Buong oras mo, kanya lamang nakatuon
Ngunit bakit siya, hanggang ngayon
Hindi niya magawa, ni sa’yo lumingon?

Napakahapdi.

Madapa sa takbo ng buhay mo
Kahit ilan pa’ng gasgas sa puso mo
Hindi ka man lamang sinalo’t
Alalayan sa iyong pagtakbo

Sobrang sakit.

Nagpakamartir ka, aking kaibigan
Sa pag-ibig na nais mong mahagkan
Ngunit sadyang di ka mapagbigyan
Kawawa ang pusong sawa sa luhaan

Sukdulan ng sakit.

Ginawa mo ang tingin mo ay dapat
Akala mo ang itinanim mo’y sasapat
Ngunit tila ang puso mo ay nasibat
Nang malamang may ibang sumalat

Pag-ibig kong hitik
Kaypait ang sinapit

Hinding-hindi na iibig pa
Pag-ibig ko’y binabalewala
Hindi na aasang may magmamahal pa
Sa tulad kong sa pag-ibig ay tanga

Sawang-sawa na
Hinding-hindi na
Walang-wala na
Hindi na kailanman mauulit pa

Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Paglisan

Kapag ako’y lilisan, kamataya’y hahagkan
Katawa’y ilalim ng lupa na’ng maglululan
Ang mga alaala’y ‘wag sanang mapalitan
O kaya’y makidaloy sa pagbuhos ng ulan

Kapag ako’y lilisan, ang nais kong sambitin:
Ako’y ‘di mawawala sa inyong mga piling
Kayo’y nasa puso ko, ‘di na mapapalitan
Kahit kahapon, bukas, at magpakailan pa man

Kapag ako’y lilisan, ang nais kong hilingin
Kalooban ninyo ay ‘wag iwalay sa akin
Pagkat sa inyong buhay, ako’y bahagi pa rin
Wala na talagang mas hihigit pa sa atin

Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

Ang Aking Pagtugon sa Tulang, “Sa Iyo, Mahal Ko”

Tingnan din ang tulang "Sa Iyo, Mahal Ko".

Nababatid mo ba, aking nadarama
Aking nadarama sa piling mo, sinta
Ang aking ligaya at pusong kaysaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Ang lahat ng ito’y bigla nang nawala
Nang ‘yong sabihing, “Kaibigan lang kita”
Ang aking hinagpis, pusong nagdurusa
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Tila ang buhay ko’y wala nang halaga
Saya kong dulot mo’y inilibing ko na
Pagmamahal ko, may natira pa kaya
Sa iyo, mahal ko, wala nang iba pa

Posted in Mga Tula, Panitikang Filipino

… at may humigit nga sa’yo

O, pag-ibig na nga ba’ng nararamdaman sinta
Sa saliw ng gitara, sa himig ng ‘yong kanta,
Sa samyo ng presensya’t sa mukha mong kayganda?
Sa iyo, aking sinta, may hihigit pa kaya?

Sabihin mo sa akin, sadyang ikaw na nga ba
Aking makakasama sa hirap at ginhawa,
Hanggang sa paghihirap at sa pagkariwasa?
Sa’yo nga, aking sinta, may humigit pa kaya?

At, kung saka-sakaling makahanap ng iba
Pagsinta’y animo’y talulot na malalanta
Pag-ibig ko sa iyo, paliliparin kayang
Tila malaking bulang tuluyang mawawala?